Boxing. Taekwondo. Wushu Sanda.
Tatlong magkaibang sport, ngunit iisa ang kuwento ni Wynjohn Clyde Rivera, isang atletang dumaan sa mga ito, isang kuwento ng pagbabago, pagkatalo, disiplina, at isang pangarap na matagal niyang hinabol.
Ngunit bago siya naging isang atleta, isa muna siyang estudyanteng nakaranas ng bullying.
Sa paaralan at maging sa ibang lugar, nakarinig siya ng mga salitang masakit dalhin, “bakla,” “payat,” at marami pang iba. Sa halip na manatiling tahimik, naghanap siya ng paraan upang matutong lumaban.
Doon nagsimula ang kanyang unang hakbang sa mundo ng sports—boxing.
Noong una, hindi pa pangarap ang nagtulak sa kanya. Galit ang mas malakas na dahilan.
“Gustong-gusto ko talagang gumanti, at ayokong inaapi ako.” ani nya.
Sa boxing, nais niyang magkaroon ng kakayahang ipagtanggol ang sarili at hindi na muling maging biktima ng pang-aapi.
Ngunit habang tumatagal, unti-unting nagbago ang dahilan niya sa paglalaban.
Sa bawat training at kompetisyon, may natutunan siyang higit pa sa mga teknik. Nakapunta siya sa iba’t ibang lugar at nakaranas ng mga bagay na nagbago sa kanyang pananaw sa sport.
Ayon sa kaniya, sa halip na gumanti, natuto siya ng disiplina at pagpapakumbaba at mas pinili niyang magsikap para sa kaniyang pangarap.
Ang boxing na nagsimula bilang paraan upang gumanti ay naging daan upang matutong maging disiplinado at mapagpakumbaba.
Ngunit hindi naging madali ang pagpapatuloy.
Dahil sa kawalan ng suporta, napilitan siyang huminto sa boxing nang matagal. Kahit passion niya ang sport, hindi niya ito maipagpatuloy.
Ngunit hindi niya tuluyang binitawan ang kagustuhang maging atleta.
Pinilit niyang kumbinsihin ang kanyang ina na payagan siyang bumalik.
“Sinabi ko na gusto ko talaga itong maging passion. Suportahan na lang ninyo ako dahil ito lang talaga ang gusto kong hilingin. Handa akong ibigay ang lahat para sa larong ito dahil ito ang aking pangarap,” wika niya.
Pumayag ang kanyang ina, ngunit may isa pang bagay na pumigil sa kanya—ang hiya.
Dahil ilang beses na rin siyang huminto noon, nahirapan siyang bumalik sa kanyang dating coach.
“Mahiya akong bumalik sa aking coach, dahil dati, ilang beses na rin akong huminto dahil sa kawalan ng suporta,” pahayag niya.
Sa halip na bumalik agad sa boxing, isang bagong sport ang naging susunod na kabanata ng kanyang journey.
Sinubukan niya ang taekwondo.
Baguhan man sa bagong sport, hindi siya nag-atubiling magsimula muli. Ilang buwan siyang nagsanay at natutong harapin ang isang panibagong uri ng hamon.
Ang kanyang pagsisikap ay nagbunga.
Dalawang beses siyang nakamit ang gold medal sa taekwondo.
“Para sa akin, pareho silang nagbigay sa akin ng aral na bumangon pa rin kahit ilang beses mabigo. Nandoon talaga ang disiplina,” saad niya.
Ngunit higit pa sa dalawang gintong medalya ang naibigay sa kanya ng taekwondo. Dinala siya nito sa isang lugar kung saan muling mapapansin ang kanyang potensyal.
Nang ipagpatuloy niya ang taekwondo sa kanilang paaralan, napansin ni Sir Felbirt L. Atillo ang kanyang kakayahan.
Mula roon, dumating ang isang panibagong oportunidad—ang Wushu Sanda.
Iminungkahi ni Sir Atillo sa kaniya ang pagbubukas ng Wushu Sanda, at doon nagsimula ang panibagong yugto ng kanyang athletic journey.
Mula sa boxing, natuto siyang lumaban.
Sa taekwondo, natuto siyang magsimula muli.
Sa Wushu Sanda, natutunan niyang gamitin ang mga natutuhan niya mula sa kanyang mga naunang karanasan.
Noong nakaraang taon, dumating ang kanyang unang malaking pagsubok sa Wushu Sanda nang sumali siya sa Division Meet.
Ngunit hindi naging katulad ng inaasahan niya ang resulta.
Silver.
Para sa iba, isa pa rin itong tagumpay. Ngunit para sa kanya, naging masakit ito dahil mas malaki ang pangarap na kanyang hinahabol—ang makapasok sa CVRAA.
“Sobrang sakit para sa akin na matalo dahil pangarap ko talagang makapasok sa CVRAA,” ani niya.
Sa halip na hayaang maging katapusan ang pagkatalo, ginawa niya itong panimula.
Mas pinaghusay niya ang kanyang training. Mas naging determinado siyang bumalik. Ang silver medal na minsang nagsilbing paalala ng kanyang pagkatalo ay naging dahilan upang mas pag-igihin niya ang kanyang paghahanda.
“Pagkatapos ng huli kong laban, mas nagsikap ako at sinubukan kong lampasan ang aking mga limitasyon. Bawat suntok at sipa ay may kahulugan, ang mga ito ay para sa aking pangarap. Ang mindset ko ay, ‘Magsanay na parang hindi ka pa nananalo, at lumaban na parang hindi ka pa natatalo,’” pahayag niya.
Pagkaraan ng isang taon, nagkaroon siya ng pagkakataong bumawi.
Muli siyang sumabak.
Muli siyang lumaban.
Ngunit sa pagkakataong ito, iba na ang resulta.
Gold.
Ang gintong medalya ay hindi lamang bunga ng isang laban. Bitbit nito ang kanyang paglalakbay mula boxing, sa taekwondo, hanggang Wushu Sanda.
Bitbit nito ang mga panahong kinailangan niyang huminto.
Ang hiya sa pagbabalik.
Ang sakit ng pagkatalo.
At ang mga araw na kailangan niyang piliing magpatuloy kahit mahirap.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi niya inangkin nang buo ang tagumpay para sa sarili.
“Dahil sa Diyos. Hindi dahil sa sarili kong lakas. Dahil sa Panginoon na nagbigay sa akin ng kalayaan mula sa aking masasamang gawi at nagturo sa akin ng disiplina,” ayon sa kaniya.
Para sa kanya, ang pagbabago ay hindi lamang nangyari sa kanyang fighting style.
Nangyari rin ito sa kanyang pagkatao.
Ang batang pumasok sa boxing dahil ayaw nang maapi at gustong gumanti ay unti-unting naging atletang lumalaban para sa isang pangarap.
Boxing ang unang nagturo sa kanya kung paano lumaban.
Taekwondo ang nagpakitang kaya niyang magsimula muli.
At Wushu Sanda ang naging daan upang mas mapalapit siya sa pangarap niyang makapasok sa CVRAA.
“Sa paglahok ko sa tatlong sports, natutunan ko ang disiplina, tapang, determinasyon, at pagpapakumbaba. Naging epekto nito sa akin ang kakayahang harapin ang mga problema, tulad ng nasa loob ng ring kung saan ako mismo ang humaharap sa aking kalaban. Natutunan ko ring bumangon kahit ilang beses akong matumba sa buhay. Higit sa lahat, nakilala ko ang Panginoon, na siyang pinakamahalaga sa lahat. Siya ang nagbibigay sa akin ng lakas at laging kasama ko,” pahayag niya.
Tatlong sports.
Tatlong yugto.
Isang atleta.
At sa bawat paglipat niya mula sa isang sport patungo sa isa pa, hindi lamang siya nagpalit ng disiplina.
Mas nakilala niya kung sino siya at kung bakit siya patuloy na lumalaban.
Dahil sa huli, ang pinakamahalagang laban ay hindi lamang ang nasa loob ng ring o kompetisyon.
Ito ay ang laban para sa kanyang pangarap.
